Deaf-mute artist, hindi sinipot ng buyer sa ipina-commission nitong painting

Ibinahagi ng isang artist na si Dan Paul Gonzales sa kanyang personal Facebook account ang isa sa mga likhang sining niya na ipina-commission ng kanyang buyer. Kaya lang, hindi siya sinipot nito.

“Napakasakit po na i-cancel ng buyer ang pina-commission na painting eagle,” aniya sa kanyang caption.

Maraming netizens ang nalungkot sa ibinahagi niyang post dahil sa nangyaring ito.

Nagpa-commission kasi ang buyer kay Dan ngunit hindi naman nakipagkita ang buyer sa napag-usapang tagpuan.

Pagbabahagi ni Dan sa ‘Pilipino Star Ngayon Digital’, kasama niya ang kanyang kapatid upang makipagkita sa buyer.

Dagdag pa niya, naabutan pa sila ng ulan sa biyahe at hindi pa kumakain ng tanghalian nang mga oras na iyon para lamang makipagkita sa buyer.

Dahilan naman ng kanyang buyer ay susunduin nito ang kanyang kapatid sa airport at hindi na nag-reply pa.

Ayon kay Dan, 20 araw umano ang kanyang ginugol para matapos ang nasabing painting.

Naiyak na lamang sa sama ng loob ang artist habang papauwi.

 

Ang nasabing painting ay ginawa ni Dan sa pamamagitan ng oil on canvas.

Pinuri naman ng mga netizens ang kanyang likha.  Nagbigay ng payo ang ilan sa artist at ang iba naman ay nagbigay ng suporta.

“Lumaban sana nang patas, ‘di ‘yung nang-aagrabyado pa ng kapwa na naghahanap buhay ng marangal. Napaka uneducated ni ate girl sa part na ‘yun.”

“Bigyan naman sana ng halaga at respeto ‘yung mga taong naghahanapbuhay nang patas.”

“Sa panahon po ngayon mainam po siguro na ‘wag tatanggap ng trabaho ng wala pong downpayment. Iba na po trip ng ibang tao ngayon. Sa talento niyo pong ‘yan, dapat lang may paunang bayad.”

Si Dan ay lumahok na rin sa iba’t-ibang poster making contest at ilang beses na rin itong nanalo.

Naging first place din siya sa Regional Mural Painting Contest, selebrasyon para sa Consumer Welfare Month 2022 na may tema na “Sustainable Consumerism in the Digital Age”.