
Maraming vlogger ngayon ang nagsasagawa ng content sa publiko, katulad ng isang uri ng social experiment kung saan magpapanggap sila na pulubi upang makita ang reaksyon ng mga tao dito.
Ang ganitong content ay sumikat at maraming iba pang influencers ang gumawa na rin ng ganito.
Ang hangarin nila dito ay upang makita nila kung sinong tao ang may mabubuting puso para tulungan ang isang pulubi.
Kapalit ng pagtulong nila ay bibigyan nila ito ng reward katulad ng pera, groceries atbp.
Ngunit isang self-proclaimed comedian na si Yopop LD Jhenny Dampil ang nabiktima ng isang pulubi na inakala nito na isang vlogger.
Kuwento ni Yopop, lumapit ang pulubi sa kanya at tinanong kung magkano ang laman ng kanyang wallet.
“Lumapit po kanina saken si kuya at tinatanong kung magkano ang laman ng wallet ko. Sabi ko meron naman kasi kaka-withdraw ko lang ng sahod ko. Sabi niya maaari ko daw ba siyang bigyan. Lumingon lingon muna ako at inabot ko sa kanya ang perang lahat ng nasa wallet ko.”
“Sabi ko pa na mas kailangan mo ‘yan ngaun kesa saken na ako ay may inaasahan naman sasahurin sa susunod.”
Nagsabi ang pulubi na maghintay lang si Yopop at may malaking bagay raw na magiging kapalit ng kanyang kabutihan.
Mahigit isang oras naghintay ang comedian na may lalapit umano sa kanya na may camera at sasabihing social experiment lang ang nangyari ngunit napagtanto niya na naisahan lang pala siya ng pulubi na inakala niyang vlogger at makakapagpadoble ng kanyang sahod.
Aniya na may himig pagbibiro, “Dati tuwing pasko inaanak ko lang tinataguan ko. Ngayon pati asawa ko tinataguan ko na kasi siguradong ma-air combo ako ng 99hits sa ere.”
Panawagan naman niya kung sinuman ang nakakakilala sa pulubi ay i-message siya sa pagbabakasakali na mabawi pa ang pera. “Kung sino po nakakakilala oh pamilyar kay kuya paki-pm naman po ako.”
Paglilinaw
Paglilinaw naman niya makaraang mag-viral ng kanyang post, isa umanong ‘sarcasm’ ang ibinahagi niya. Aniya, “Ayan nga pinalalabas sa pic na yan, yong tutulong kunware tas aasahan na may kapalit kakanood ng poverty porn.” Inedit lamang niya umano ang larawang ibinahagi.
You must be logged in to post a comment.