Alice Dixson, may tugon sa mga taong nagsasabi sa kaniyang ‘Act your age’

Alice Dixson (Larawan mula sa IG ni Alice Dixson)

Hindi maitatangging isa ang batikang aktres na si Alice Dixson sa mga babaeng celebrity sa Philippine showbiz na talaga namang tila hindi kumukupas ang taglay na kagandahan.

Mula noon hanggang ngayon, tila huminto na sa pagtanda ang kaniyang hitsura, at isang buhay na patunay na “Age is just a number”. Kayang-kaya pa niyang maging leading lady sa mga sikat na heartthrobs at leading men ng dati at kasalukuyang henerasyon dahil sa taglay na karisma.

Ayon sa ulat, marami ang humanga kay Alice sa latest Instagram post niya kung saan makikita ang kaniyang bagong look dahil sa kaniyang blonde hair.

Sey pa ng aktres, puro papuri ang kaniyang mga natatanggap sa kaniyang bagong hair color kaya “validated” na bagay sa kaniya ito; kagaya na lamang nang magtungo siya sa isang tanyag na mall sa Taguig City.

“Walking in Market2 when my suki said ‘Ang ganda ng hair mo Alice, bagay sa yo!’ saad ni Alice sa kaniyang Instagram post noong Nobyembre 20.

“Didn’t realize how light & natural looking it has become.”

Sa kabilang banda, kahit maraming pumupuri sa kaniyang alindog, sanay na rin si Alice sa mga taong walang ginawa kundi humanap ng kapintasan sa kaniya.

Kaya naman, tila “advance mag-isip” ang aktres at naghanda na ng sagot sa sinumang magsasabing dapat ay umayon sa edad niya ang mga kilos niya.

“So my favorite bashers say ‘Act your age’, ‘You are too old for that’, blah x3.'”

“Hahaha, I think if I acted my age, I probably wouldn’t look this young,” katwiran ng 53-anyos na aktres.

Sa comment section naman ng kaniyang IG post, umani ng papuri ang bagong hair color niya.

“There are no age limit to stay young and beautiful!”

“Don’t mind them! Be the BEST version of you.”

“Depende sa tao ‘yan, wala ‘yan sa edad, act your age kayo dyan, kung ano ang edad at ano ang gustong gawin wala na kayong pakialam. Mabuhay tayo ayon sa kagustuhan ng bawat isa!”

Ang huling seryeng kinabilangan ni Alice ay ang “The Legal Wives” sa GMA Network kasama sina Dennis Trillo, Bianca Umali, Andrea Torres, Ashley Ortega, at sumakabilang-buhay na si Cherie Gil.