Tinedyer mula sa Zambales, isinurender sa pulis ang napulot na bag na may lamang ₱70,000

Mga larawan mula sa FB page ng Subic Mps Zambales Ppo

“KINDNESS IS FREE TO GIVE BUT PRICELESS TO RECEIVE.”

Nabagbag ang damdamin ng mga netizen sa 19 anyos na binatilyo matapos niyang dalhin sa himpilan ng pulisya ang napulot na itim na bag sa pinuntahang ospital, na may lamang tumataginting na ₱70,000 bukod pa sa mahahalagang gamit ng may-ari nito tulad ng IDs, ATM cards, at mga susi.

Ayon sa ulat ng Balita Online, ibinida ng mga pulis mula sa “Subic Mps Zambales Ppo” sa kanilang opisyal na Facebook page ang ipinamalas na kabutihan at katapatan ng binatilyong si “Arjay E. Piletina”; ang nagsauli ng napulot na bag.

Siya raw ay nakatira sa Macedo St., Brg. Wawandue na matatagpuan sa Subic, Zambales.

Ayon sa FB post, kaya nasa ospital si Arjay ay upang i-admit ang kaniyang pamangking may sakit. Dito niya nakita ang itim na bag. Nang buksan niya ang laman nito, tumambad sa kaniya ang malaking halaga ng pera at iba pang mga nabanggit na gamit.

Hindi umano nagdalawang-isip si Arjay na isurender sa mga pulis ang bag. Agad namang nakipag-ugnayan ang pulisya sa may-ari nito.

“Tunay nga na ang Kabataan ay Pag-Asa ng Bayan.”

“Habang papunta ng hospital si Arjay E. Piletina ,19 taong gulang at taga Macedo St., Brgy. Wawandue, Subic, Zambales upang i-admit ang kaniyang pamangkin sa hospital ay may nakita siyang itim na bag at ng kaniyang tingnan ito ay naglalaman ng assorted IDs, keys, ATM Cards at P70,000 pesos cash,” ayon sa caption.

“Patunay lamang ito sa adhikain ng revitalized KASIMBAYANAN at ng MKK-K, na nagpapakita ng MALASAKIT sa ating kapwa anuman ang sitwasyon na ating nararanasan. Tunay ngang may kabutihan sa bawat tao.”

“Saludo ang kapulisan ng Subic Municipal Police Station sa katapatan at pagiging magandang ehemplo ni Arjay E. Piletina. Mabuhay ka Sir Arjay!!! At nawa’y pagpalain ka ng Diyos sa kabutihan ng iyong puso!” pagsaludo ng mga pulis kay Arjay.

Umani naman ng papuri at paghanga mula sa mga netizen ang magiting na binatilyo.

“Mapagkakatiwalaan sa malit na bagay at maging sa malaki, may takot sa Diyos at makatao. Hindi alintana ang pansariling kapakanan, maibalik lamang ang isang bagay na hindi sa kaniya. Iyan ang kabataang mapagkakatiwalaan at huwaran sa bagong henerasyon. Mabuhay ka, Arjay!”

“Saludo ako sa’yo Sir Arjay… sana marami pang katulad mo!”

“Iyan po ang pagpapatunay na maayos ang pagpagpapalaki kay Arjay ng kaniyang mga magulang. Mabuhay ka Arjay!”