‘This is it’: Ryza, Miguel nagpapatayo na ng dream house para sa kanila ng anak na si Night

Damang-dama ang saya ng aktres na si Ryza Cenon nang ibahagi sa social media ang pagsisimula ng construction ng dream house nila ng kanyang partner na si Miguel Cruz.

Sa Instagram, ini-upload ni Ryza ang ilan sa mga litrato mula sa groundbreaking ng bahay, kung saan kasama rin nila ang kanilang supling na si Night.

“This is it!” saad niya sa caption ng mga larawan na nilakipan niya ng heart, family, at house emoji.

Maraming nagpahayag ng tuwa sa milestone na ito para sa pamilya at nag-congratulate sa post.

Nauna nang ibinahagi ni Ryza na bagama’t hindi pa nila pinaplano ang pagpapakasal ay tinitiyak nila ng partner na mas nakatuon ang focus nila sa kanilang relasyon at munting pamilya kaysa sa kasal. Naniniwala raw kasi siya na sa paraang ito ay mas mapatitibay pa ang pundasyon nila bilang magkapareha.

[RELATED – ‘Baka ‘di pa ako ready, mapahiya ka’: Ryza binalaan ang partner na huwag siyang biglain ng proposal]

“Mas naka-focus kami kay Night kasi ang kasal naman, kahit anong age p’wede mong gawin. At least, kahit paano, kapag naka-focus kayo sa anak n’yo, p’wede n’yo pang mas pagtibayin ang foundation n’yo. Lalo na ngayon, nauuso ang ikakasal tapos, maghihiwalay, ’di ba? Wala kasi silang foundation ng relationship,” aniya.

Hindi rin itinago ni Ryza na nagbigay sa kanya ng babala ang mga nangyayari sa ibang artista kaya hindi ito gaanong naging laman ng isip niya.

“Ever since naman kasi, never ko naman naging priority ang wedding. For me kasi, ang wedding, para lang siyang isang event. For me, ang importante pa rin ’yong relationship. ’Yong nabubuo ’yong foundation n’ya. So, kumbaga, papers lang ’yon. ’Yon lang ang magpapatunay na kasal kami. Bakit, kung wala ba ’yon, hindi p’wedeng magmahalan?” punto niya.

Hanga rin daw si Ryza sa ginawa nina Aubrey Miles at Troy Montero na matagal munang nagsama bago nagpakasal.

“Kasi, hindi naman nila kailangang magmadali,” wika niya.