Ritz sa happy married life: ‘Medyo lumaki ako, hiyang daw sa pag-aasawa’

Balik na sa pagda-diet at pag-e-exercise ang celebrity wife na si Ritz Azul, na aminadong medyo nag-gain ng weight habang ine-enjoy ang married life nila ng kanyang mister na si Allan Guy.

Sa ulat ng PUSH, ibinahagi ni Ritz na na-enjoy niya ang pagpapahinga sa showbiz pagkatapos ikasal, ngunit ngayon ay balik na sa acting ang aktres at talagang mag-e-effort siya para sa upcoming roles.

“Medyo lumaki ako. Sabi nila, hiyang daw sa pag-aasawa. I wasn’t doing anything for a while. But now, slowly, I’m going back to acting with new offers and I’m also back to dieting and exercising to get rid of the weight I gained while I wasn’t busy,” aniya.

[RELATED – ‘Pa-graduate na sa daring roles’: Ritz Azul kasama ang asawa magdesisyon sa tatanggaping offers]

Kamakailan ay ikinuwento ni Ritz sa ginanap na presscon ng Mamasapano: Now It Can Be Told, na entry ng Borracho Films sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022 ang masayang pagsasama nila ni Allan sa loob ng halos isang taon.

“Masaya po ako ngayon. Magwa-one year na po akong kasal,” saad niya. “Nagpahinga po ako nang konti dahil, ayon nga, ikinasal ako at adjusting pa ako sa buhay. Tuwang-tuwa po ako noong in-offer sa akin ni Atty. Ferdie Topacio itong Mamasapano dahil na-miss ko po ang umakting.”

Kuwento ni Ritz, suportado ni Allan ang pagbabalik niya sa showbiz, pero mas una na sa listahan ng prayoridad niya ngayon ang buhay may asawa. Ito rin daw ang dahilan kaya may mga limitasyon na raw siya para sa sarili dahil hindi na lamang siya ang magdedesisyon para sa kanyang showbiz career kundi pati rin ang asawa.

“Almost the same lang naman as before. Pero ngayon, siguro mas detailed lang kung anu-ano mga limitations, and siyempre may asawa na rin. ‘Yong nagmi-meet kami halfway kung ano ang kailangang ibigay ng isang karakter at yung mga hindi niya kayang tanggapin. Yung ganun ba. Lahat ng bagay, ikinokonsulta ko sa kanya,” wika niya.