Mga Pinoy na inalok ng trabaho sa Thailand, dinala sa Myanmar para gawing scammers

Ibinulgar ni Senador Risa Hontiveros ang modus ng diumano’s ‘Chinese mafia’ na nag-aalok ng trabaho sa mga Pinoy para maging call center representatives sa Thailand subalit dinadala pala sa Myanmar upang gawing scammer.

Sa privilege speech ng mambabatas nitong Lunes, sinabi ni Hontiveros na may hawak siyang testimonya mula sa 12 OFWs na nabiktima ng nasabing grupo.

Inalok daw ang mga ito para maging call center, customer service representative, o ‘di kaya ay data encoder sa Thailand subalit peke pala ang mga naturang job listings.

“Ngunit, pagdating nila sa Thailand, kung saan inaakala nilang magtatrabaho sila, hinila sila ng mga alagad ng Chinese mafia na ito sa Myanmar upang gawing mga scammer na gumagamit ng crypto currency,” ani Hontiveros sa kaniyang talumpati.

Kapag wala naman daw na-scam o nahuthutan ang mga Pinoy, hindi sila pinakakain o pinasusuweldo habang ang iba naman ay ibinebenta sa ibang kumpanya at ang masama pa ay pinagbabantaan ang kanilang buhay.

Pinipili daw ng Chinese mafia ang mga Pinoy dahil sa husay ng mga ito sa pagsasalita ng wikang Ingles.

Dahil dito, umapela ang senadora sa gobyerno na aksiyunan agad ang nasabing modus.

“I appeal to you all, and to all the government agencies who are able to help us: if we don’t plug this hole, more and more of our kababayan will be duped, and more and more people all over the world will be scammed,” wika ni Hontiveros.

Natuklasan din umano ng kaniyang tanggapan ang pagkakaugnay ng may-ari ng lugar kung saan hinihinalang nagpupugad ang mga scammers kay Lincoln Ong, ang director ng kumpanyang Pharmally na nasangkot sa kontrobersiya noong nakaraang administrasyon.

Kaugnay nito, nagpapasalamat naman si Senador Raffy Tulfo, chairman ng Senate Committee on Migrant Workers, kay Hontiveros dahil sa pagbubulgar nito sa ginagawang modus ng Chinese mafia sa mga Pinoy.

Nakahanda rin umano siyang makipag-ugnayan sa kaniyang mga kasamahang senador para sa mas malalim na imbestigasyon sa isyu.