Lolit Solis: ‘Walang masama kung may relasyon sina Paolo Contis at Yen Santos’

Para kay Lolit Solis, wala namang masama umano kung totoo mang may relasyon na nga sina Paolo Contis at Yen Santos dahil pareho naman sila walang kapareha ngayon.

Mistulang pag-amin na raw ang ginawa ni Yen nang manalo ito ng award at sabihing fan na fan siya ni Paolo na matagal na ring nali-link sa kaniya.

“Walang masama kung may relasyon sila dahil pareho silang walang commitment. Mukha naman good influence sila dahil pareho maganda ang dating nila,” ayon kay Manay Lolit sa kaniyang Instagram post.

Kung sakali man daw talagang sila na ngang dalawa ay masaya siya para kina Paolo at Yen.

“Matagal narin naman walang lovelife si Paolo at sabi ko nga kalmante ang dating niya ngayon kaya baka good influence si Yen sa kanya,” saad pa ng veteran talent manager at showbiz journalist.

“Life is short, make the most out of it. Kung saan ka happy, duon ka, don’t let anything stop you to have that happiness. Basta walang nasaktan at natapakan, go go be happy,” ayon pa kay Lolit.

Nabuhay ang usap-usapan tungkol sa relasyon nina Paolo at Yen matapos mag-post ang aktor ng isang pagbati para sa kaarawan ng huli.

Makikita rito ang ilang larawan ng dalawa na magkasama at tila ipinagdiriwang ang birthday ni Yen.

“Happy Birthday My Best Actress!” simpleng caption ni Paolo sa kaniyang Instagram post nitong Linggo, Nobyembre 20.

Naiuwi ni Yen ang ‘Best Actress’ award mula sa ‘Gawad Urian’ para sa kaniyang pagganap sa pelikulang “A Faraway Land” kung saan nakasama niya si Paolo noong nakaraang taon.

Umugong noon na si Yen ang third party sa hiwalayan nina Paolo at ng kaniyang dating partner na si LJ Reyes; bagay na itinanggi naman ng aktor.

Nag-viral pa nga ang larawan ng dalawa habang magkasama sa Bagiuo na ayon naman sa aktor ay namasyal silang dalawa subalit ‘as a friend’ lamang.