Kiko, inihambing ang presyo ng sibuyas sa Pilipinas at Australia; may panawagan para sa mga magsasaka, mangingisda

Screengrab mula sa TikTok video ni Atty. Kiko Pangilinan

Isa sa mga hindi maaaring mawalang rekado o pampalasa sa pagluluto ng maraming mga putaheng Pilipino ang sibuyas. Mapa-red o white onions man iyan, kahit na nakapagpapaluha pa ito ng mga mata habang binabalatan o ginagayat, talagang isa ito sa mga produktong isinasama sa listahan ng mga namimili sa supermarket o palengke.

Dahil na rin sa epekto ng implasyon, patuloy na tumataas ang presyo ng kilo ng red at white onions, na nagpapa-aray na sa bulsa ng mga karaniwang mamimili, gayundin ng sikat na celebrities.

Kaya naman, pinag-usapan ng mga netizen ang inilabas na TikTok video ng dating senador at naging kandidato sa pagkapangalawang pangulo na si Atty. Kiko Pangilinan, na pumapaksa sa naobserbahan niyang presyo ng mga pangunahing produkto sa Pilipinas at Australia, partikular sa presyo ng sibuyas, ayon sa ulat ng Balita Online.

Literal daw na mapapaluha ang sinuman sa presyo pa lamang nito kada kilo dito sa Pilipinas.

“Presyo pa lang ng sibuyas, mapapaluha ka na agad. Ang solusyon sa pagpapababa sa mahal na bilihin? Suportahan ang ating mga food producers — ang ating mga magsasaka at mangingisda,” ayon sa caption ng dating senador sa kaniyang TikTok entry.

“Galing lamang ako sa Australia the other week. Sa Sydney. Maniwala kayo sa hindi, ang isang kilo ng red onions ay ₱112. Dito sa atin, ₱250.”

“Ang isang kilo ng white onions sa Australia ay ₱75. Dito sa atin, halos ₱200 mahigit, more than double, almost triple ang halaga ng ating sibuyas kumpara sa Australia.”

“And the solution is to support our producers—our farmers and fisherfolk. Kaya kung nais nating magkaroon ng murang pagkain, murang karne, murang gulay, bigyan ng todo-bigay na suporta sa ating mga farmers at fisherfolk,” panawagan pa ni Pangilinan.

Hindi ito ang unang beses na nagkaroon ng pagkukumpara si Pangilinan sa presyo ng mga bilihin sa Pilipinas at ibang bansa.

Nauna na niyang maihambing ang presyo ng sibuyas sa Pilipinas at sa bansang Thailand, sa kaniyang tweet noong Oktubre 6, 2022. Nagtungo raw sila sa nabanggit na bansa noong Setyembre, ayon sa ulat.

“Last week sa Bangkok, 50 baht o 85 pesos 1 kilo ng bawang. 35 baht o 60 pesos naman ang 1 kilo sibuyas. Dito sa atin 400 pesos 1 kilo ng sibuyas at 300 pesos naman ang bawang,” aniya.

“2x more ang govt agri budget sa Thailand at 3x more naman sa Vietnam. Murang pagkain. Walang gutom,” dagdag pa niya.