Isko Moreno, gaganap bilang Ninoy Aquino, bunyag ni Darryl Yap

Mga larawan mula sa FB ni Darryl Yap

Ibinunyag na ng direktor-writer na si Darryl Yap na ang gaganap bilang si dating senador Ninoy Aquino sa part 2 ng pelikulang “Maid in Malacañang” ay si dating Manila City Mayor Isko ‘Moreno” Domagoso.

Ayon sa ulat, natuldukan na ang mga haka-hakang si Philip Salvador o si Herbert Bautista ang gaganap bilang Ninoy sa “MoM” na parehong mga naugnay kay Queen of All Media Kris Aquino, bunsong anak nina Ninoy at dating Pangulong Cory Aquino.

Mababasa mismo sa latest Facebook post ni Yap ang kaniyang patikim sa cast noong Biyernes, Nobyembre 18.

“Isko Moreno as Ninoy Aquino,” saad ni Yap sa kaniyang caption.

Kalakip ng post na ito ang litrato ni Isko kung saan makikitang hawak na niya ang makapal at naka-compile na iskrip bilang si Ninoy Aquino.

Bago ang pa-reveal ay nag-post muna si Yap noong Nobyembre 15 na may nakuha na siyang gaganap bilang Ninoy.

“THANK YOU LORD, I NOW HAVE A NINOY,” aniya.

Hindi naman inasahan ng mga netizen na si “Yorme” ang magiging Ninoy sa naturang pelikula, dahil wala aniyang nakapag-isip na muli siyang babalik sa showbiz matapos ang kaniyang pamamalakad bilang alkalde ng Maynila, at matalo sa halalan sa pagkapangulo.

Ito ang grand comeback ni Isko sa pag-arte matapos ang ilang taong paninilbihan bilang politiko.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizen at naging trending topic pa sa Twitter, ayon sa ulat.

“Umay na umay na ko kay Darryl Yap at sa mga enablers niyang nagbibigay ng platform sa kaniya!”

“Kumukulo dugo ko sa isang Darryl Yap, lakas maka-mock ng mga matalinong tao, pati si Ninoy Aquino na nagsakripisyo para sa mga Pilipino tapos babastusin ng walang kalaban-laban? Wala namang talent!”

“Kadiri ka Darryl Yap.”

“After telling Leni to withdraw & getting only 1M votes, the former bold star turned trapo Isko Moreno is starring in another distasteful hatchet job by Darryl Yap against the Aquinos? Isn’t Ninoy Aquino a national hero with his own holiday?”

May patutsada naman si Yap sa reaksyon ng netizens.

“Galit na naman kayo, di pa kayo magpasalamat, ang gwapo ng gaganap,” pahayag ng direktor sa kaniyang Facebook post noong Biyernes, Nobyembre 18.

Samantala, wala pang tugon, reaksyon, o pahayag si Isko tungkol dito.