Guro mula sa Visayas na nagpa-quiz sa dahon ng saging, naghatid ng nostalgia sa netizens

Mga larawan mula sa Facebook page ni Amaca Neil

Noong sinaunang panahong hindi pa malaganap at progresibo ang teknolohiya, simple lamang ang pamumuhay ng mga tao. Ginagamit ng mga ninuno ang iba’t ibang mga likas na bagay na matatagpuan sa kanilang kapaligiran.

Isa na riyan ang mga dahon ng mga puno na bukod sa ginagamit upang pagkainan, pambalot, o gawing saplot sa katawan, dito rin inuukit o isinusulat ang kanilang mga kaisipan at ideya gamit ang matandang paraan ng pagsulat.

Kaya naman, hindi nagdalawang-isip ang gurong si Neil Amaca, nagtuturo ng kursong Agriculture sa West Visayas State University, Calinog Campus, na iparanas sa kaniyang mga mag-aaral ang sistema ng pagsulat ng ating mga ninuno sa pamamagitan ng dahon ng saging, na pumatok naman sa social media.

Makikita ito sa kaniyang Facebook post noong Nobyembre 9, 2022.

Ayon sa ulat, ito ang naisip niya upang ipakita sa mga mag-aaral na noong unang panahon ay hindi suliranin sa ating mga ninuno ang kawalan ng papel—dahil dahon ng saging lamang ang ginagamit nila, o iba pang malalapad na dahong matatagpuan sa kalikasan.

Kaya sa halip na papel ang ipinadala niya sa kanila, inatasan niya ang mga mag-aaral na magdala ng sariling dahon ng saging para sa kanilang pagsusulit sa Agri-120 Post Harvest Handling and Seed Technology.

Isa pang bagay, madalas nga naman daw na hindi nakapagdadala ang ilang mga mag-aaral ng sariling papel dahil minsan ay walang pambili o di kaya’y nakalilimutan, kaya naman maiiwasan na rin ang hingian.

Nagdulot naman ito ng “nostalgia” sa mga netizen.

“Paborito ko tong gawin dati lalo na pag maganda yung dahon, naglalaro kami, kunyari ako yung teacher. Kakamiss yung ganitong time.”

“Naranasan ko ‘yan exam namin wala akong dalang lapis at papel kaya nag-may l go out ako kay Ma’am tapos kuha ako ng dahon ng saging sa garden namin sa school at pumutol ako ng walis-tingting para gawing lapis, year 65-66.”

“Kaya wag sabihin na kahirapan ay hadlang sa pag-aaral. Sana ganito lahat ng teachers!”

“Very smart ng teacher, walang excuse nga naman! Pero sana naitapon nang maayos ang mga kalat!”

Ikaw, naranasan mo na rin bang gawing papel ang mga dahon ng saging?