Cristy Fermin may payo kay Ronnie Liang hinggil sa viral rant: ‘Mag-ingat ka sa pagsasalita mo’

Tila hindi nagustuhan ni Cristy Fermin ang nag-viral na rant sa social media ng singer na si Ronnie Liang hinggil sa diumano’y alok sa kaniya na magpakita ng katawan sa pelikula.

Kung matatandaan, bagama’t may mga pumuri sa ibinahagi ni Ronnie, marami din ang bumatikos sa kaniya dahil hindi na raw dapat ito ilabas pa sa publiko, kung totoo mang may alok nga.

Isa sa mga hindi sang-ayon sa ginawa ng Pinoy Dream Academy (PDA) alumnus ay si Manay Cristy pati na ang kaniyang co-host sa ‘Showbiz Now Na!’ na sina Romel Chika at Wendell.

Marami raw kasing nasagasaan si Ronnie sa kaniyang mga kasamahan sa industriya na minsan noon ay naghubad na rin sa pelikula subalit nananatili ang dignidad at ang iba nga ay nagtagumpay na rin sa kanilang larangan.

Kasama sa mga ibinigay na halimbawa ni Cristy ay ang mga batikang aktor na sina Philip Salvador, Christopher de Leon at Daniel Fernando.

Sana daw ay mag-ingat si Ronnie sa pagsasalita lalo pa’t marami siyang binanggit na dahilan kung bakit niya tinanggihan ang nasabing alok gaya ng pagiging Army Reservist Officer, piloto, Master’s degree holder, Brand Ambassador, at ang pinakaimportante daw ay ang kaniyang pagiging Kristiyano.

“Mag-ingat ka sa pagsasalita mo. Hindi mo alam na sa pagtatanggol mo sa sarili mo, sa pag-akyat mo sa estado ng iyong pagkatao, sandamakmak itong mga nasagasaan mong ito,” payo ng showbiz journalist kay Ronnie.

Sang-ayon din dito si Rommel dahil pwede naman umanong tumanggi si Ronnie at sabihin na lamang na hindi pa siya handa sa mga ganoong role sa halip na kung ano-ano pang dahilan.

Tama rin daw ang naging reaksyon ni John Lapus sa rant ni Ronnie nang sabihin ng una na: “So walang ‘self-respect’ ang gumagawa ng p*r*?”

“Ang concern ni John Lapus dun ay para sa mga kasamahan din nating artista na minsan sa isang panahon po ay nagbida sa mga pelikula at seryeng may ipinakitang katawan. Pero ngayon po, ‘pag ating tiningnan, matagumpay,” susog ni Nanay Cristy.

Samantala, sa kabila ng natanggap na batikos, hindi pa rin tinatanggal ni Ronnie ang kaniyang post at hindi na rin ito naglabas pa ng pahayag para sagutin ang mga bashers niya.

Panoorin ang Showbiz Now Na: