Cotton candy sa uwian? Ang paborito mong ipabili sa iyong sundo noong elementary ka

Sino ba ang hindi naglu-look forward noon sa uwian para sa mga itinitinda sa labas ng gate ng paaralan?

Bukod sa mga pagkaing pangmeryenda kagaya ng fish balls at kikiam, excited din ang mga batang 90s noon sa cotton candy na paborito nilang ipabili sa kanilang mga sundo.

Sa post ng Facebook page Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng social media users ang mga panahong isa sa mga inaabangan nila sa uwian ay ang pagbili ng cotton candy.

Bukod sa masarap kasi, kinaaaliwan din daw nila noon ang hitsura ng cotton candy habang iniikot ang stick na pinagkakapitan nito. Dito pa lamang daw ay napapasaya na sila ng popular na pagkaing ito.

“Pagpitik pa lang ng stick ay takam na takam ka na,” pag-aalaala ng Facebook user na si Samson Juban.

“Ang sarap niyan! Nakatingin talaga ako sa ginagawa ng nagtitinda niyan habang bumibili. Nakatutuwang pagmasdan habang iniikot sa stick,” sabi ni Zhang Ramirez.

Wika naman ni Rica Pasetes, “Habang bumibli ako, tinitingnan ko talaga kung paano lumalabas ‘yong agiw na ‘yan sa lalagyan niya. Haha! Parang agiw na unti-unting lumalabas doon sa lagayan niya.”

Samantala, ang iba naman ay hindi sa labas ng eskwelahan inaabangan ang cotton candy vendor; maaaring sa mga pistahan o sa labas mismo ng kanilang tahanan dahil marami talagang naglalako nito noong araw.

Pag-aalaala ng isa sa kanila na si Divina Gracia Arellano, “Favorite ko ang pink na color ng cotton candy. Tuwing fiesta, nakahilera ang rolling cotton candy store at mga balloon sa harap ng simbahan. Love namin noon na bumili dahil bata pa kami.”

Nahilig ka rin ba sa pagbili ng cotton candy sa labas ng paaralan noong araw? Inabangan mo rin ba ang nagtitinda mula sa bintana ng inyong bahay noon? Ano-ano ang iyong mga naaalala rito? Ibahagi ang kuwento mo sa comments section ng post!