Chito Miranda ibinahagi ang kuwento sa likod ng sikat na kantang ‘Mang Jose’

Isa marahil ang ‘Mang Jose’ sa mga pinakapopular na awitin ng bandang ‘Parokya ni Edgar’ na madalas marinig at kantahin sa mga videoke.

Subalit alam n’yo bang ginawa ito ng banda para sa isang online game at hindi sana kasama sa kanilang album?

Ayon kay Parokya frontman Chito Miranda, nagsimula ang ideya ng ‘Mang Jose’ sa kaniyang kasamahan na si Buwi Meneses.

“Nagsimula ang lahat when Buwi was asked to come up with a song for Ragnarok (isang online game kung saan yata gumawa din ng kanta ang Kamikazee: Chicksilog),” kuwento ni Chito sa kaniyang Instagram.

“Buwi came up with the music and asked me to come with the lyrics. Nabuo ko yung buong song, and called it “Raimusen,” wika pa ng bokalista ng Parokya.

Ang ‘Rai’ umano ay  nanggaling sa wikang Hapon na ang ibig sabihin ay ‘trust’ o ‘lightning’ o thunder, habang ang ‘without money naman ang ibig ipakahulugan ng ‘musen’.

“Anyway, feeling ko magandang superhero name yung Raimusen based sa “Japanese Animation” feel ng song na ginawa ni Buwi,” patuloy ni Chito.

“So nung ginawa ko yung song, it was originally: “Raimusen! Raimusen! Ang superhero na pwedeng arkilahin; Raimusen, parang si Daimos din. Ngunit pagkatapos ay bigla kang sisingilin…Raimusen,” patuloy pa niya.

Nang matapos raw ang kanta ay kinausap niya si Buwi na huwag nang ibigay sa Ragnarok at isama na lang sa kanilang album at pumayag naman daw ang kaniyang ka-banda.

Si Darius naman umano ang nag-suggest na gawin na lamang ‘Mang Jose’ ang titulo nito para mas maging tunog-Pinoy.

“So reluctantly, I agreed. So nabuo yung song na “Mang Jose” and became one of Parokya’s hits,” wika pa ni Chito.

Dahil sa naging instant hit ang ‘Mang Jose’, nominated din ito bilang Best Novelty Recording at Song of the Year.

Ayon pa kay Chito, bukod sa nagkaroon ito ng sariling comics, naisa-pelikula rin ang kanilang kanta at mayroon na rin silang restaurant na ibinase sa pangalan ng ‘Mang Jose’.