
Masayang ibinahagi sa Instagram ni Chito Miranda ang grand opening ng kanilang bagong restaurant business na matatagpuan sa Tagaytay City.
Nitong Biyernes, Oktubre 28, kasi itinakda ang grand opening ng kaniyang ‘Mang Jose Lechon at Inasal’ na ang pangalan ay hango sa kantang ‘Mang Jose’ na pinasikat ng kaniyang bandang Parokya ni Edgar.

“We will build an empire.” – Mang Jose (English speaking pala si Mang Jose?!),” birong panimula ng post ni Chito.
Ayon sa frontman ng Parokya, noong Hunyo pa talaga sila nag-soft opening at nito lamang Oktubre naitakda ang grand opening.
“Last June, binuksan namin yung aming munting resto na Mang Jose Lechon at Inasal dito sa Tagaytay,” bahagi ng mister ni Neri Naig.
“Soft-opening lang muna kasi sobrang nangapa kami dito hehe. It’s not our 1st restaurant business, pero we had to learn so many things for this one,” wika pa nito.

Nagpasalamat din ang singer sa mga sumuporta sa kanilang bagong negosyo at maraming bagay umano siyang natutunan na kailangang matutunan.
“It wasn’t always smooth, but it was always fun…and sobrang fulfilling tuwing sinasabihan kami ng mga customers namin na sobrang nag-enjoy at na-appreciate nila yung food at yung experience nila sa Mang Jose,” ayon pa kay Chito.
Ibinahagi rin ng OPM singer-songwriter na nakatakda na ring magbukas ang dalawa pang branch ng Mang Jose Lechon at Inasal.

“Malapit na rin matapos yung 2nd and 3rd branches namin sa La Union and sa Skyranch,” wika nito. “Grand Opening namin sa Friday, Oct 28.”
Ang Mang Jose Lechon at Inasal ay matatagpuan sa kahabaan ng Mahogany Avenue kaya inimbitahan ni Chito ang mga nadadaan sa bahaging ito ng Tagaytay para sa ‘konting tugtugan at inuman’.
Maliban sa mga gigs, katatapos lamang ni Chito na magsilbi bilang isa sa mga judges ng Season 2 ng ‘Idol Philippines’.
You must be logged in to post a comment.