
Upang maresolba ang kakulangan ng mga nurses sa bansa dahil sa pangingibang-bayan ng mga ito, planong isulong sa Mataas na Kapulungan ni Senador Raffy Tulfo ang pag-aalok ng full scholarship para sa mga nursing students.
Subalit may kondisyon ang alok na ito ng mambabatas dahil kailangan munang maglingkod sa mga ospital sa bansa ang lahat ng scholar na nurses sa oras na sila’y makapagtapos sa nasabing kurso.

“How about mag-offer po kayo ng full scholarship programs sa mga nurses sa mga iba’t ibang eskwelahan, mga probinsya?” suhestiyon ng senador sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography nitong Martes, Oktubre 11.
“Full scholarship po and then and’un ‘yung kondisyunes na kapag ikaw ay nakapag-graduate, you must serve at least four to five years bilang nurse dito sa ating bansa,” dagdag pa ni Tulfo.
Magandang hakbang umano ito upang makamit ang international standard na 1:4 nurse-to-patient ratio, malayong-malayo sa itinalaga ng Department of Health (DOH) na 1:12 at kasalukuyang ratio sa Pilipinas na 1:20.

Tugon naman ni Philippine Heart Center Executive Director Dr. Joel Abanilla sa panukala ng senador, kailangan itong dumaan sa Kongreso upang maisabatas at maipatupad.
Suportado naman ni Senador Christopher Go, chairperson ng committe, ang panukalang ito ng kaniyang kapwa-mambabatas.
Maliban sa nasabing panukala, inatasan din ni Tulfo ang DOH na silipin ang diumano’y diskriminasyon sa ilang mga nurses lalo na sa ‘selective grants of benefits’ sa mga ito gaya ng hazard pay.

Ito ay dahil sa nakarating daw na ulat sa kaniya na ang mga nurses lang na na-expose sa COVID-19 o yaong mga nakatalaga sa COVID ward lamang ang nabibigyan ng nabanggit na hazard pay.
“We should be sensitive sa mga needs ng ating mga nurses. Kailangan natin silang alagaan at tratuhin nang maayos. We should be fair. Importante din na gamitin ang common sense in addressing their needs,” giit ng mambabatas.
Nangako rin ang baguhang senador na pag-aaralan niya ang mga bagay na ito upang makapaghain ng kaukulang batas na magiging solusyon sa nabanggit na problema.
You must be logged in to post a comment.