Dingdong sa pagkakaroon ni Jayda ng showbiz BF: ‘Basta tratratuhin siya nang tama’

Maganda, talented, isang role model—hindi maikakaila na proud parents ang mga magulang ni Jayda Avanzado na sina Dingdong Avanzado at Jessa Zaragoza.

Pero ngayong malapit nang matapos ang teenage years ng 19-year-old, handa na kaya ang mga magulang niya kung magkakaroon man ng kasintahan ang kanilang unica hija?

Sa isang panayam sa kanya ng PEP ph, ibinahagi ni Dingdong kung ano ang nararamdaman niya ngayong nagdadalaga na ang anak. Pag-amin niya, katulad ng maraming tatay, hindi raw siguro siya magiging handa kailanman, pero batid niya na darating at darating ang tagpong iyon.

“I don’t think any dad will ever be ready. Di ko masasabi na ready ako, basta darating na lang iyan, hindi ba?” wika ng seasoned singer. “Ang pinaka-reaction ko diyan, it’s part of the circle of time.”

Sa ngayon, habang wala pa, pinapayuhan daw palagi ni Dingdong ang anak para maging handa ito sa pagdating ng sandaling iyon.

Isa sa mga pinakamahalagang payo niya sa anak ay alamin kung ano ang kanyang prayoridad.

“I keep telling her, ‘Know your priorities and responsibilities attached to it,'” kuwento ni Dingdong.

“Sabi ko sa kanya, ‘If you decide to go to a relationship or start going out and meeting guys, make sure kilalanin mong mabuti,'” pagpapatuloy nito.

Masaya naman daw si Dingdong dahil kitang-kita niya kung gaano karesponsable ang anak, kaya naman may tiwala talaga sila sa mga magiging desisyon nito kung papasok man sa isang relasyon.

“Ang maganda kay Jayda, she’s very focused. Of course, she has her crushes, mayroon siyang mga nagugustuhan,” saad ng ama. “Pero we feel, kami ng mommy niya, she’s very responsible and alam niya paano i-handle ‘yon.”

Samantala, naitanong din kay Dingdong kung ayos lang ba sa kanya sakali mang isang showbiz personality ang maging karelasyon ng anak.

Tugon niya, “Basta tratratuhin siya nang tama. It doesn’t matter as long as tama ang trato sa kanya, nirerespeto siya. Importante sa lahat ‘yon, ‘yong rerespetuhin siya.”