‘Wansapanataym’ classic theme song, episodes patuloy na naghahatid ng nostalgia sa mga Batang 90’s

“Wansapanataym sa aking buhay, Napawi ang lumbay na puno ng kulay. Mga pangarap ko doo’y nagkatotoo. Wansapanataym,babalik ka kahit sa panaginip lang…”

Isa ka ba sa mga tumangkilik at nagmahal sa programang ‘Wansapanataym’ at sa theme song nito?

Ang ‘Wansapanataym’ (na hango sa “once upon a time”) ay fantasy anthology ng mga teleseryeng prinodyus at binrodkast ng ABS-CBN.

Ipinalalabas ito tuwing Linggo ng gabi mula noong inere Hunyo 22, 1997 hanggang Pebrero 27, 2005. Muli itong inere taong 2006-2007 at noong September 11, 2010 hanggang April 14, 2019. Saglit din itong inere taong 2020 nang magpandemya.

Taong 1999 nang magkaroon ng isang movie adaptation ang Wansapanataym, Ito ang kuwento ng isang ulila sa ina na si Anna (Shaina Magdayao) na hinahanap ang kanyang ama (Christopher de Leon). Sa tulong ng isang guardian angel, si Barbiel (Serena Dalrymple), ay muling nagkita ang mag-ama.

Sina Judy Ann Santos at Rico Yan (Ang Mahiwagang Palasyo) ang mga unang gumanap sa pilot episode ng Wansapanataym at maaari pa rin itong mapanood sa Jeepney TV channel sa YouTube.

Maraming episodes ang tunay namang humatak sa atensyon at puso ng mga batang 90’s at iba pa. Maging ang theme song ng Wansapanataym na inawit ni Michelle Ayalde ay naging awit ng maraming kabataan. Ito ay komposisyon ni Homer Flores, at ang lyrics ay mula kay Jose Bartolome.

Taong 2004 nang nireformat ang programa at ang mga nagsiganap naman ay sina Sharlene San Pedro at Nash Aguas na may na magical book na na binubuksan sa bawat prologue at epilogue ng isang episode.

Binago ang theme song noong 2004–2005 & 2010 at ang umawit ay si Nyoy Volante. Ang bersyon na ito ang ginamit sa revival hanggang 2019, ngunit hindi maipagkakaila na iba ang naging hagod ng klasik nitong theme song sa mga naging suki nitong tagasubaybay.

Makakapanood ng mga episodes ng Wansapanataym Classics sa Jeepney TV YouTube Channel at sa Yey Channel/Fam Time.

Samantala, sa ilang social media pages kung saan ibinabahagi ang theme song at episodes ng classic na palabas ay buhos-emosyon naman ang mga netizens na naging suki ng pinoy klasik. Tandang tanda pa ng marami ang himig at liriko ng paborito nilang palabas noon.

“Taong 1997 una nagsimula ang Fantaseryeng wansapanataym. Ang unang nagbida ay sina Judy Ann at Rico Yan.
Sobrang #nostalgic po talaga para sa akin ang original na Themesong na ito.  (emojis)  Tunay n kay sarap bumalik sa pagkabata.”

“I can’t believe that this song can be a bittersweet memory someday.”

“Teary-eyed kasi talaga ako kapag naririnig ko ‘to ngayon, ang sarap lang po balikan nung dati na manonood ka every Sunday ng Wansapanataym tapos pagkatapos non matutulog ka na kasi pang umaga ka sa school kinabukasan.”🤍

“Ako lang ba yung grabe yung emotions everytime may makikita akong magpapaala ng childhood ko? 😔😅 lalo na pag naririnig ko themesong ng Wansapanataym..tumutulo talaga luha ko 🙁  Siguro kasi sobrang sulit ng kabataan ko, lahat ng larong kalye nalaro ko, tipong naghahabulan kami ng palo ng papa ko kasi maghapon na ko sa labas tapos hanggang hating gabi nagtatagu-taguan pa, wala pang gadget, mga palabas sa tv may matutunan ka.. ang sarap maging bata ulit  😭  siguro kasi nahihirapan na ko maging adult.. ang daming problema 🙁   dati ang iniiyakan ko lang pag ayaw pa ko bitawan ni mama habang kinukutuhan ako,ngayon wala na si mama. 🙁  pinagpapasalamat ko talaga sa Dyos na pinanganak ako sa 90’s era.. sobrang babaunin ko hanggang pagtanda ko lahat ng alaala ng kabataan ko..#proudbatang90s – Aiko”

Sigaw ng marami, ganitong mga palabas ang karapat-dapat ibalik sa telebisyon.

“Wansapanataym sa aking buhay. Napawi ang lumbay na puno ng kulay. Lahat natutupad, panaginip at pangarap. Tunay na ligaya ang dulot ng Wansapanataym…”

Tara, maki-nostalgia sa Batang 90’s Noon, Titos at Titas Ngayon!