Helmet yarn? Kakaibang permanent tattoo ng lalaki sa kaniyang buong ulo, aliw-much sa netizens

Mga larawan mula sa FB page na Bacolod Tattoo Artist

Sabi nga sa linyahan ng mga gen Z ngayon, “Walang pakialamanan, kaniya-kaniyang trip ‘yan!”

Kagaya na lamang ng ginawa ng isang di-nakilalang customer ng isang tattoo artist mula sa Bacolod dahil kakaiba kasi ang ipinalagay na tattoo nito sa kaniyang katawan.

Ang pagpapalagay ng tattoo sa katawan ay hindi na bago sa karamihan. Noong unang panahon ay ginagawa na rin ito ng mga ninuno, at ito ay may kultural na pagpapakahulugan.

Sa kasalukuyan, itinuturing ito bilang “body art” at itinuturing na malikhaing ekspresyon ng isang indibidwal sa pamamagitan ng pagpapadibuho sa alinmang parte ng katawan.

Ang iba naman, nagpapa-tattoo upang mapunan ang kakulangan sa bahagi ng katawan, kagaya ng kilay.

Kung ang ilang kababaihan ay nagpapalagay ng tattoo sa kanilang kilay, dahil nga “Kilay is life”, batay naman sa Facebook page ng “Bacolod Tattoo Artist”, isang lalaki ang nagpalagay ng permanenteng tattoo sa kaniyang buong ulo upang magsilbing buhok niya.

“Satisfied client, salamat sir sa pagtitiwala. Hahahaha #Goodmorning,” ayon sa caption ng FB post noong Miyerkules, Setyembre 14, 2022. Kalakip nito ang mga litrato ng tinukoy na customer.

At dahil kakaiba ang kaniyang tattoo, naging maagap naman ang mga netizen na makaisip ng mga memes tungkol dito. May ilang inihalintulad ito sa isang bola ng bilyar, may ilang naglagay ng logo ni Batman, at ang iba naman, permanenteng helmet na raw ito.

May ilan pang nagsabing para daw siyang robot, taong lego, at lalaking bersyon ni “Darna” dahil mistula itong itim na cap ng naturang female superhero.

“Parang helmet lang hahaha.”

“Mala-Batman o Darna hahaha.”

“Hindi kaya magsisi si Kuya na ganyan na ang bumbunan niya haha.”

“Hahaha, permanenteng helmet?”

“Taong lego ang peg ni Kuya? Hahahaha. Sabagay, walang pakialaman! Kung diyan siya masaya, suportahan taka!”

“Parang bola sa bilyaran hahahaha.”

“Para siyang si Astro Boy…”

“Ibang klase. Saludo. Pain tolerance niyan. Mamaw.”