77-anyos, tinaguriang ‘the most-traveled Filipino in the world’: ‘Unstoppable ako, I will until I can’

Ang 77-anyos na si Odette Aquitania Ricasa ay tinaguriang ‘the most-traveled Filipino in the world.’

Ayon sa panayam ng ABS CBN news, ang kanyang seaside home sa San Clemente, California ay naglalaman ng isang koleksyon ng mga souvenir mula sa 40-taong kamangha-manghang pakikipagsapalaran.

Pagkatapos ng paglalakbay sa Iraq noong nakaraang buwan, siya ang naging unang Filipina na nakarating na sa lahat ng 193 bansa ng United Nations. Narating na rin niya ang lahat ng pitong kontinente, at nakarating na siya sa ilang remote o malalayong isla.

Sa kabuuan, narating na ng 77-anyos na si Ricasa ang 301 sa 330 Travelers Century Club Countries and Territories.

“I didn’t think it would cause this much sensation. I’m a member of Philippine Global explorers and TCC, akala ko bibigyan nila ako ng certificate, and that’s it,” pagbabahagi niya.

Ang kanyang pamilya ay mula sa Quiapo, at siya ay nag-aral sa Assumption San Lorenzo College.

Sa edad niyang 31 ay nag-migrate siya sa New York noong 1970s, nagtrabaho bilang isang bookkeeper, pagkatapos ay naging system analyst, at kalaunan ay naging ahente ng real estate. Lagi umano siyang may sine-set na goal. Ibinahagi din niya na heograpiya ang paborito niyang asignatura noon sa paaralan.

“The teacher would show us pictures of big apple trees, the reindeer crossing the highway, birch trees, pine trees and snow, and then she will draw the suns of Arizona and the Arabian deserts. I said, one day I want to see that but I don’t have money. But then I said, when you like to do something, you have a goal so when I came to America, I landed in New York. I was a book keeper earning $90 a week, living in Bronx New York and my first tour was Montreal, Canada,” pagbabalik-tanaw ni Ricasa.

Mula sa Canada, nakarating siya sa Europa, pagkatapos ay sa Africa. Nagpatuloy lang siya sapagbibiyahe at kamukat mukat niya’y nalibot na pala niya ang mundo.

Aniya, “Because I’m Travelers Century Club, I just wanted to follow their list and go and go see the world because I said, travel is a learning experience.”

Pinaghahandaan niya umano talaga ang kanyang mga paglalakabay at sinusuri ang mga resonableng travel deals at adventurous routes   kung saan ay nakatatagpo siya ng lifelong friendships at nakapag-iipon ng maraming memories.

“I look for the tour flyer and I follow it on my own, riding the bus, I’m still a member of couch surfing service where they invite you to their homes. It’s really not to show you around but for friendships and understanding cultures,” saad niya.

“Unstoppable ako. I will until I can,” pagdidiin ni Ricasa kaugnay sa layunin niyang magpatuloy pa rin sa paglalakbay.

Kapag hindi siya naglalakbay, isa palang artist, awtor, piyanista at motivational speaker si Ricasa, ayon sa isang pagbabahagi ng Inquirer.

Sa lawak ng kanyang nalakbay hindi nakapagtatakang nakabuo na siya ng anim na aklat tungkol sa kanyang mga karanasan at adventures.

Mayroon na rin pala siyang mahigit sa 120 paintings na naka-display sa Ricasa Art Gallery sa San Clemente, Southern California, at ang iba’y nasa ibang lugar sa mundo. Wow!

Naimbitahan na rin siya bilang motivational speaker sa mga pagtitipon upang magbigay-inspirasyon sa iba na habulin ang kanilang passion sa buhay.

At dahil ‘there is no place like home;’ siya ay umuuwi sa Pilipinas dalawang beses sa isang taon, lalo na kapag holidays.