Balikan: Gumawa ka rin ba ng popsicle stick house na project noon?

Popsicle Stick House

Naging school project mo rin ba noon ang paggawa ng popsicle stick house?

Isa sa mga karaniwang proyekto na ipinagagawa dati ng mga guro sa mga mag-aaral ang maliit na bahay na yari sa popsicle sticks. Simple lang ang gamit na materyales pero mabusising gawin. Magsusukat, maghihiwa, at magdidikit habang sinusundan ang disensyo ng popsicle stick house na nasa isip. Hindi rin maiiwasang humingi ng tulong sa mga nakatatanda.

Popsicle Stick House

Sa post ng isa sa mga miyembro ng Facebook group na Memories of Old Manila, binalikan ng marami ang panahon kung kailan naging project nila sa school ang popsicle stick house.

“Nakagawa rin po ba kayo ng project sa iskul na gawa sa popsicle sticks?” tanong ni Y. Nanale‎ na nag-upload ng litrato ng isang popsicle stick house.

Popsicle Stick House

Agad namang tumugon ang ibang mga miyembro na napa-reminisce sa mga panahong gumagawa sila ng proyektong ito noon. May mga dating estudyante at mayroon din namang mga magulang na nakaaalala pa nito.

“Yes po, 80 percent ang ibinigay ni Titser Lydia,” sagot ni R. Hermogenes sa tanong. Tandang-tanda pa rin daw niya hanggang ngayon ang naging grado ng kanyang ipinasang proyekto noon.

“Oo naman, project ng anak kong panganay. Grade 5 siya noon. May flowers and tree pa sa bakuran,” pagbabalik-tanaw ni T. V. Cupla.

“Iyong sa akin, may kuryente pa. May switch ng on and off iyon para ilaw sa loob ng bahay, pati sa labas mayroon. Hehehe! Ang taas ng grade ko sa project na iyon, e,” natutuwang paggunita ni K. Gwapingmo.

Popsicle Stick House

Samantala, aminado ang iba na ipinagawa lamang nila sa kanilang mga magulang ang proyektong ipinasa nila sa guro noon dahil talagang naging challenging ito para sa kanila, lalo na at sa elementarya ito madalas ipinagagawa.

Kuwento naman ni C. G. Cavestany, hindi lang popsicle stick house ang mababalikan ng mga estudyante kung hindi pati ang mismong main material sa paggawa nito na popsicles, “Up to now, popsicle sticks are still a must-have in every pupil’s school bag.”