
Pagkaing binalot sa dahon ng saging — kakabit nito ang masarap na alaalang kadikit ng mga kabataang mag-aaral noong hindi pa uso ang mga baunang pinaglalagyan ng kanin at ulam.
Ganito ang pangkaraniwang ‘lunch box’ ng mga kabataan noon kapag pumapasok sa paaralan, lalo na kung may kalayuan ang bahay sa pinapasukang eskwela.
Kaya naman labis ang tuwa ng mga netizens na naka-relate sa isang ibinahaging post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon. Binalikan ng marami ang tinatawag nilang old school na lunch box na hinding-hindi raw nila makalilimutan dahil tila mas sumasarap ang kanilang baon kapag sa dahon ito nakabalot.
Noon, sapat na ang dahon ng saging bilang sisidlan ng pagkaing dinadala sa paaralan man o sa trabaho. Kahit simple lamang ang ulam na ipinatong sa bagong sinaing na binalot sa dahon ng saging, aba’y gaganahan ka naman talagang kumain.
Sabi nga ng ilang netizens na nagbahagi ng masasayang alaala:
“Ang sarap ng kanin pag diyan binalot sa dahon ng saging, ang bango pa. tapos ulam mo daing at sawsawan suka na maraming sili!”
“Yes from first year to 4th year high school araw araw. Missed my grandmother who usually prepare this for me.”
“Binug-ong ang tawag sa amin nyan sa baryo ng Malainen Luma bayan ng Naic probinsiya ng Cavite,, tuwing papasok sa iskul ay nde ko ikinakahiyang makisabay ng kain sa kantin na ganyan ang baunan ko,, kahit tuyo o daing na may kamatis lang ang laman,, masarap kainin, amoy pa lang o aroma niya, panalo na,, Madalas na may makishare sa akin ng kain kasi masarap daw ang pagkain na nakabalot sa dahon ng saging,, kaya para sa akin ang Binug-ong ay isang alamat, kahit mga sosyal ay mapapakain mo ng ganito.”
“Yes. Naubos dahon saging ng kapitbahay namin.” hahaha
Sa dami ng natuwa at naka-relate ay umabot na sa mahigit 540 ang nagkomento at mahigit 1,500 na rin ang nag-share ng binalot post.
Sa makabagong panahon ay mayroon na ring nagnegosyo ng ganitong pamamaraan ng paghahanda ng pagkain. Bukod sa eco-friendly ang dahon ng saging, iba pa rin ang dating ng mainit-init pang binalot na pagkain!
You must be logged in to post a comment.