Lucky day ng mga bata noon: Nakatsamba ka na ba ng kambal na kendi sa isang pakete?

Noon, piso lang ay solb na ang mga bata. Kapag may barya, siguradong tatakbo sa pinakamalapit na sari-sari store. Doon ay makabibili ng mga tigpi-pisong chichirya, kendi, bubble gum at iba pang kutkutin.

Ngunit kung feeling blessed na ang mga bagets noon sa mumurahing meryenda at pampalipas-oras, mas nadaragdagan ang saya kung ‘kambal’ ang kending makukuha mo.

Ito ang inalala ng mga netizen sa ilang Facebook pages. Ayon sa mga nag-post, maituturing na lucky day raw ng kabataan noon kapag dalawa ang laman ng pakete ng kending binili nila.

“Childhood best moment, yung kambal ang laman ng candy na nabili mo,” saad ng post ng isang Facebook page.

“Best feeling talaga kapag laman sa loob ng candy mo na dapat isa lang,” mababasa sa hiwalay na post ng isa pang page sa social media.

Karaniwan ay isa lamang ang laman ng isang maliit na pekete ng kendi. Gayunman, may mga nakakatsamba ng dalawang laman na tinatawag ding ‘kambal na kendi.’ Hindi alam ang paliwanag kung bakit may mga sachet na dalawa ang laman. Pero anuman ang rason nito, ang mahalaga, kakaibang saya ang naibibigay nito sa sinumang maswerteng makabibili nito sa mga sari-sari store.

Sa Facebook group na Homepaslupa Buddies 3.0, binalikan din doon ng mga netizen ang ‘lucky day’ nila. Inisa-isa nila ang brand ng kendi na madalas na mayroong kambal na laman noon, kabilang ang maasim na chewing gum na Yakee!, ang matamis na PoTchi, at ang makulay na Pintoora.

Ngunit ayon sa ilang tindera, kung mayroon daw na doble-doble ang laman, may mga pakete ring walang laman na kung minsan ay ikinalulugi ng munti nilang sari-sari store.

Ikaw, nakabili ka na ba ng kambal na kendi noon?