Lalaki, ipina-tattoo ang grocery list na huling naisulat ng nakababatang kapatid bago ito namaalam

Iba-iba ang paraan ng mga tao kung paano mapananatili ang alaala ng isang mahal sa buhay na nauna nang lumisan sa mundong ibabaw. May ilang inilalagay ang larawan nila noong nabubuhay pa sila sa isang picture frame at isinasabit sa mga dingding ng bahay, o kaya naman ay inilalapag sa isang mesa, na matatagpuan sa sala.

May ilan namang inilalagay sa isang espesyal na lugar ang urn nito (kung sumailalim sa cremation), o kaya naman, ang mga madalas na gamiting bagay gaya ng laruan, damit, bag, at iba pang memorabilia para sa kaniya.

May iba namang ipinapa-tattoo ang pangalan o mukha nila sa may bandang dibdib, sa tabi ng puso, o kung saan pang naising bahagi ng katawan.

Ngunit kakatwa ang ginawa ng isang lalaking nakilalang si “Bejayy” matapos niyang ibahagi sa TikTok ang kaniyang kakaibang tattoo—isang listahan ng mga grocery items, na sa una ay maaaring magdulot ng katatawanan, subalit may kurot sa dibdib at nakaaantig pala ang kuwento sa likod nito.

Batid umano ni Bejayy na mapagtatawanan siya ng mga netizen sa kaniyang kakatwang trip, dahil sa dinami-dami raw ng mga puwedeng gawing batayan at paggayahan ng tattoo ay grocery list pa ang napili niya—subalit ang naturang grocery list ay napaka-espesyal pala!

Ang listahan ng grocery items na kaniyang ipina-tattoo sa kanang bisig ay isinulat ng kaniyang nakababatang kapatid na lalaki, na sa kasamaang-palad, ay nauna nang lumisan sa daigdig na ito, sa hindi binanggit na dahilan.

“Sabi ko noon, my next tattoo will be my most memorable tattoo na hindi ko pagsisisihan,” ayon sa text caption ng ng kaniyang unang larawan.

“My youngest brother never failed to message me every payday.”

“Bago pa makapagpadala, may sarili na siyang listahan of goods for his own.”

“Not until he died this June…”

“This was the last grocery list he wrote…”

“I know, a lot of people will make fun of this…”

“People will laugh at things they don’t understand…”

“But I don’t care that much…”

“For me, this is the most beautiful masterpiece I’ve ever had.”

“You will forever be my always, li’l bro. “I miss you brother!”

Halos mapaluha naman ang mga netizen dahil hindi nila inaasahan ang mabigat na kuwentong nakapaloob dito.

“Sorry sa lost mo… nakakaiyak naman!”

“Nagpaganda dito yung meaning, sana pati yung papel sinama para realistic yung tattoo.”

“Yung meaning ng tattoo nagpapaganda dito.”

“So heart-warming! Batay sa kuwento mo, isa kang mabait at mapagbigay na kuya, at kung nasaan man ang little bro mo ngayon, alam kong masaya siya, dahil naibigay mo sa kaniya ang mga wish niya noong nabubuhay pa siya.”

Sa isa pang video ay nagpasalamat ang Kuya sa mga nakaunawa at nakisimpatiya sa pinagdaraanan niya.