Guro, gumawa ng ‘Classhome pantry’ para matugunan ang pangangailangan ng kanyang mga estudyante

Umani ng papuri at suporta mula sa netizens ang inisyatibo ng isang Filipino teacher matapos nitong mag-post ng TikTok video kung paano nagsimula ang classroom pantry. Naka-upload din ito sa kanyang Facebook account.

Ang pantry ng silid-aralan ng isang guro sa Aglipay, Quirino ay nagbibigay ng mga libreng gamit sa paaralan at pagkain sa mga estudyante.

Ginamit ni Sir Rafael Gutierrez ng Diodol Elementary School ang kanyang sariling pera upang simulan ang inisyatiba na tinatawag na “Classhome Pantry” upang tumugon sa mga pangangailangan ng kanyang mga mag-aaral na nagugutom sa paaralan dahil sa kakulangan ng kanilang pamilya sa gitna ng patuloy na pandemya dulot ng Covid-19.

Ang pantry ng guro ay punong-puno ng mga libreng gamit sa paaralan at mga pagkain tulad ng meryenda, mga de-lata, at iba pang kailangan para sa mga mag-aaral sa ikatlong-baitang ng paaralan.

“PARA SA BATA, PARA SA BAYAN. Sila ang salamin ng aking kahapon, at ang hinaharap ng lahat. Hindi ko batid kung saan magsisimula sapagkat alam kong walang dulo ang paglalakbay. Ang maliit na hakbang ay munting pag-usad tungo sa kung ano ang ating misyon at bokasyon,” sinabi ni Sir Rafael sa kanyang TikTok video na nai-post noong Setyembre 3, 2022.

Umani na ito ng mahigit 32,600 reaksyon, halos 1,800 komento at paisang libong shares.

“Sa mga nagpaaabot po ng tulong, panalangin, at nagpapahayag ng pag-asa, maraming-maraming salamat po sa inyong lahat,” tugon naman ng guro sa mga naantig sa kanyang inisyatibo.

Mapapanood ang kanyang video sa YouTube channel na sinimulan niya isang taon na ang nakararaan para sa kanyang asignatura.

Basahin: Guro hinangaan sa paghatid sa estudyanteng ‘di nasundo ng magulang

Kamakailan, may isang guro na nakuhanan ng larawan habang inihahatid ang kanyang estudyante upang masiguradong ligtas itong makauuwi sa kanilang tahanan.

Kuwento ng uploader at asawa ng guro na si Benj Cesar, mahigit dalawang oras na naghintay ng kaniyang sundo ang bata kaya nagdesisyon ang gurong si Dayanara Cesar na ihatid na lamang ito. Pinapayungan pa niya ito habang naglalakad sa ilalim ng ulan.

“11:15 Dismissal time pero wala pa ring sumusundo sa bata kaya naisipan niyang ihatid na lang dahil 1:30 pm na,” sabi ng uploader.

Kahit gusto pagsabihan ang mga magulang ng bata ay wala raw siyang magagaawa dahil hindi niya naman alam ang buong kuwento kung bakit hindi nila nasundo ang anak.

Saludo sa mga gurong may puso!