
Isang netizen ang nakakita sa isang estudyante na nakauniporme habang may dala dala itong panindang taho. Nakaagaw-pansin dito ang kanyang dala-dalang dalawang stainless na baldeng may lamang taho, sago at arnibal na pasan-pasan nito.
Ang nakabibilib na kuwento ng magtataho
Si Gopi o Gurprit Paris D. Singh sa totoong buhay, ay labing-anim na taong gulang at Grade 11 sa kanyang pinapasukang paaralan. Siya ay ipinanganak sa Cebu City at nakatira ngayon sa Tanza, Cavite.
Ang estudyante ay may lahing Indiano dahil ang kanyang tatay ay isang Indian National. Ang nanay naman niya ay isang Filipina.
Ayon sa post ng Epipanio Delos Santos Avenue, madaling-araw pa lamang ay gising na si Gopi upang ihanda ang paninda niyang taho. Mismong ang kanyang ina ang nagluluto ng arnibal at sago na inilalahok sa malinamnam at mainit-init na paninda niyang taho.
Inilalako niya ang taho sa kanilang lugar bago pumasok sa kanyang paaralan at kapag hindi ito naubos, inilalako niya ito sa loob ng kanilang paaralan. Hindi niya umano alintana ang init ng panahon at pagod dahil gusto nitong makapagtapos ng pag-aaral.
Nakikiusap siya sa guwardya ng eskwelahan na pansamantala nitong iiwan ang panindang taho habang siya ay nasa klase. At kapag breaktime, inilalako niya ang kanyang paninda pati na rin sa pag-uwi.
Ang kanyang naiuuwing pera ay umaabot sa 400 hanggang 600 piso. Dagdag pa nito, kailanman ay hindi ikinakahiya ni Gopi ang kanyang ginagawa.
“There is nothing to be ashamed of sa ginagawa ko. I am doing an honest job without harming anybody else. My parents, teacher, and classmates are very supportive,” pagmamalaki ni Gopi.
“Life is like math as there is always a solution to every problem. I only wish na sana yung mga taong going through hardships or problems in life will be able to find their solutions to solve their problems, and be happy including me,” dagdag pa ni Gopi.
Siya ay nangangarap na maging isang Civil Engineer balang araw.
Samantala, silipin natin ang video na ibinahagi ni Jhap Tarog sa Facebook kung saan ang estudyante ay namataan niyang naglalako ng panindang taho.
You must be logged in to post a comment.