Ben&Ben ipinagpaliban ang ‘Send-Off’ concert sa December, nangako ng ‘memorable experience’ para sa mga tagahanga

Maraming fans ang nalungkot dahil hindi natuloy ang concert ng Ben&Ben kamakailan. Nagtakda ang Ben&Ben ng bagong petsa para sa sendoff concert nito matapos nila itong ipagpaliban, Orihinal na naka-schedule ang concert noong Sabado, Setyembre. 3.

Ang concert ng nine-piece band ay na-reschedule sa Dec. 18,  7:30 p.m., at gaganapin na  sa SMDC Festival Grounds sa Parañaque, ayon sa post sa Instagram page ng Ben&Ben nitong Setyembre 8.

“We’d like to assure you that we will keep working hard and giving it our best in all fronts, to make this concert a memorable experience for all of you.”

Dagdag pa nila, “Gusto naming makabawi sa inyo. Thank you for your love and support as always, Liwanag.”

Ang mga tagahanga na bumili ng mga tiket para sa palabas sa Sept. 3 ay maaaring dalhin ang kanilang mga kasalukuyang ticket, na magiging valid pa rin para sa bagong petsa, o humiling ng buong refund mula Setyembre 12 hanggang 30.

Ipinagpaliban ng Ben&Ben ang concert nito noong Sabado, ilang oras bago ito dapat maganap, dahil sa masamang kondisyon ng panahon. Ang Send-Off concert ng folk pop band ay para sa mga tagahanga bago ang kanilang paglilibot sa Estados Unidos at Canada ngayong buwan.

Samantala, inilabas kamakailan ng banda ang music video nilang “The Ones We Once Loved” na pinagbibidahan nina Paolo Benjamin Guico at Bea Lorenzo.

 

Basahin: ‘Tribute for Melanie’: Ben&Ben tumugtog sa tabi ng lâbi ng nâmâyâpâng fan

Matatandaan ang nakaaantig na pagtugtog ng Ben&Ben sa lamay ng dalagang si Melanie Trinidad noong Nobyembe ng nakaraang taon. Si Melanie ang estudyanteng na-trap sa loob ng nasusunog na bahay habang sinusubukang iligtas ang laptop na ginagamit nito sa pag-aaral.

Sa isa sa mga huling sandali bago tuluyang mahimlay, tinugtugan ang labi ng fire victim ng popular na banda na isa sa mga paborito ng namayapa noong ito ay nabubuhay pa.

Ibinahagi pa ito ng naturang banda sa Facebook page nila, “A tribute for Melanie, isang Liwanag sa ating lahat.”